Sampanaw, Talupad, Balanghay, Pulutong, Tilap
SAMPANAW, TALUPAD, BALANGHAY, PULUTONG, TILAP
sa Diksiyonaryong Adarna''y may natanaw
agad kong nabasa ang salitang SAMPANAW
ang akala ko'y mula sa ISANG PANANAW
o kaya merong taong MAG-ISANG PUMANAW
ngunit hindi, ito'y salin ng rehimyento
na merong dalawa o higit pang TALUPAD
o batalyon, na may dalawa o higit pang
BALANGHAY o kompanya, binubuo naman
ng dalawa o higit pang PULUTONG, platoon
habang pulutong ay dalawa o higit pang
TILAP o iskwad, na ito'y binubuo ng pito
o higit pang kawal, wikang kasundaluhan
limang salitang dagdag aralin sa wikà
na magagamit sa maikling kwento't tulâ;
sa masasaliksik ko pang ating salitâ
ay maganda ngang maibahagi sa madlâ
- gregoriovbituinjr.
01.13.2026
* mga salitâ mulâ sa Diksiyonaryong Adarna







Mga Komento
Mag-post ng isang Komento