Pagdalaw sa puntod ni Ka Pabs
PAGDALAW SA PUNTOD NI KA PABS
naimbitahan akong sumama't dumalaw
sa sementeryo, pagyayang di tinanggihan
bagamat isa iyong umagang kaypanglaw
dinalaw si Ka Pabs, magiting at palaban
isa siyang kasama, kapwa ex-detainee
dinalaw namin ang kanyang puntod sa Tanay
biglaan, namatay sa Home for the Elderly
wala raw kumuhang kamag-anak sa bangkay
batikang aktibista, isang mandirigmâ
nakibaka sa panahon ng diktadura
siya pala'y may kanser na tila lumalâ
wala rin daw kamag-anak siyang kasama
ilang beses din kaming nagkita sa pulong
ng Ex-Political Detainees Initiative
na samahan ng mga dati nang nakulong
dahil nakibaka't ang prinsipyo'y dinibdib
nag-asikaso't tumulong sa kanya'y Balay
na minsan na ring kumupkop sa tulad namin
sa'yo, Ka Pabs, taaskamaong pagpupugay
kaisa ka sa marangal na adhikain
- gregoriovbituinjr.
11.28.2025
* Balay - tumutukoy sa Balay Rehabilitation Center
* binasa sa isang munting programa ang ikalawa hanggang ikalimang taludtod ng tulâ








Mga Komento
Mag-post ng isang Komento