Tanaga sa panahon ng kwarantina
mahirap magkasakit
sa lockdown na kaylimit
ramdam mo'y anong lupit
sa panahong di sulit
kailangang mag-ingat
huwag kang malilingat
agapan pag may sinat
at iwasan ang lagnat
face mask, social distancing
face shield, huwag babahing
kung sakaling hihimbing
diwa'y alisto't gising
dapat kang may alkohol
tanging tagapagtanggol
sa sakit na sasapol
o virus na hahabol
ano bang dapat gawin
nang di tayo gutumin
aba'y pabitin-bitin
na itong buhay natin
wala nang nakakapa
sa bulsa ang dalita
walang kita't kalinga
at lagi pang tulala
kwarantina'y kaytagal
laging natitigagal
ramdam ko'y tila hangal
na ulo'y binubuntal
gutom ang kalaban
pabrika'y nagsarahan
baka mapagpasyahan
umuwing lalawigan
babalikan ang bukid
kaysa lungsod mabulid
ang sakit ay balakid
sa buhay na matuwid
- gregoriovbituinjr.
* Ang tulang ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2020, pahina 20.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento